naiwan ako

“Don’t tell me, broken hearted ka na naman?” ‘Yan ang bungad sa akin ng kaibigan ko habang ibinababa ang mga gamit niya sa lamesa ng isang restaurant kung saan ko siya hinintay.

Sanay na ako sa mga ganyang tanong. Halos buong buhay ko na yatang naririnig ang ganyang linya, bukod sa Happy Birthday at Merry Christmas. Noong bata pa kasi ako, ako ‘yung tipong laging naiiwan kapag may outing kaming magpi-pinsan. Ako ang laging bantay sa bahay habang sila, nagpapakasaya sa Enchanted Kingdom o kaya nama’y enjoy na enjoy sa kakalangoy sa beach sa Batangas.

Dahil bata pa, ang tangi ko lang nagawa noon ay ang magdabog at malungkot dahil sa pang-iiwan nila sa akin. Naaalala ko pa nga, nasa hagdanan ako noon, nakahiga habang walang tigil sa pag-iyak dahil hindi nila ako isinama sa Baguio. Alam n’yo ‘yung feeling na sobrang excited ako dahil first time ko sanang makakarating doon pero wala, madaling araw silang umalis at paggising ko, kami na lang ng tita ko ang nasa bahay. Pagmulat ng mga mata ko, alam ko nang may hindi tama. Bumaba ako sa sala at nakita ko ang tita ko habang nagluluto ng tanghalian. Nasa hagdan pa lang, pumatak na ang mga luha ko. Naiwan ako. Naiwan na naman ako.

Hindi ako umimik noong tinanong ako ng kaibigan ko kung broken hearted na naman ba ako. Tumingin lang ako sa kanya habang pinipigilan ang pag-iyak.

Nako! ‘Wag kang umeksena dito, ah,” babala niya sa akin. “Huwag kang iiyak.” 

Hinawakan niya ang mga kamay ko at pilit na pinapagaan ang loob ko.

“Umasa ako, e.” Nagsimula na akong magkwento. “Bakit kasi ang uto-uto ko? Bakit kasi naniwala agad ako? Ang sakit lang. Ang sakit-sakit.”

Para bang hindi na ako nadala sa mga ganitong pangyayari ng buhay ko. Naalala ko pa noong hindi ako isinama ng mga kamag-anak ko sa outing nila sa Bataan, umiyak talaga ako at nagwala sa kwarto. Inihagis ko ang lahat ng mga damit na nakatiklop sa kabinet. Nagsisisigaw ako habang umiiyak, kinala-kalampag ang pinto at pinagbababato ang mga hanger. Dahil bata pa ako, hindi ko maintindihan ang mga paliwanag nila sa akin. Kesyo hindi na raw kasya sa loob ng sasakyan kaya naiwan ako o kaya nama’y hindi ako nagising noong ginigising nila ako. Hindi ako nakinig sa kanila. Basta ang alam ko lang, iniwan na naman nila ako. Umasa na naman ako sa wala.

“Tanggapin mo na lang kasi na minsan nagiging tanga tayo,” sagot sa akin ng kaibigan ko.

Pagiging tanga ba ang umasa? Ako na nga ‘yung niloko at iniwan, ako pa ang may kasalanan? Ako pa ngayon ang naging tanga?

“‘Yon nga, e. Ako kasi hindi lang minsan, ‘madalas’ ang tamang term para sa akin. Madalas maging tanga. Madalas masaktan. Madalas maiwan. Mabilis maniwala.” 

“So, sinong may kasalanan?” tanong niya sa akin.

At dahil defensive ako, bigla ko siyang sinagot, “Siyempre siya.”

Sa mga panahong ramdam ko pa ang aftershock ng mga nangyari sa love life ko (o sa mga outing na hindi ako isinama), natural lang sa isang tao na magalit at humanap ng taong masisisi dahil sa pag-aakalang tayo lagi ang biktima sa mga failed relationship.

Okay lang ang manisi. 

Dito kasi natin nailalabas ang mga emosyon na matagal nang nagpapabigat sa ating dibdib. Ito ‘yung mga batong matagal nang nakadagan sa atin kaya hindi tayo maka-move on.

You have to let go of all those emotions.

Okay lang siguro na ibato mo ang lahat ng mga damit na nakatiklop sa kabinet. Okay lang na magwala ka sa hagdanan habang iniisip na sana ay mabaliw ka na dahil hindi ka na naman nila isinama. Okay lang siguro na magsisisigaw ka dahil hindi ka na naman nila ginising para makasama sa outing sa Baguio.

Okay lang na isiping sila ang masama dahil nasaktan ka. Sila ang may pakana kung bakit ka nagkakaganyan ngayon. Hindi ka nila ginising. Hindi ka nila isinama. Hindi ka niya pinahalagahan. Hindi ka na niya mahal.

Sumigaw ka kung kaya mo. Magpapadyak ka kung gusto mo. Ilabas mo lang lahat ng galit mo sa katawan. Isigaw mo lang sa kawalan ang lahat ng gusto mong sabihin sa kanya. Sisihin mo ang mga bituin na minsang ipinangako niya sa ‘yo at mga romantic movies na pinanood ninyong dalawa na nagpaniwala sa ‘yo na mayroon ngang forever.

Sumigaw ka.

Okay lang ang magalit… pansamantala.

Lagi mong iisipin na sa panahong nagagalit ka, may mga bagay o tao ka ring naaapektuhan. May maiingayan sa pagsigaw mo. May mga matatamaan ng mga ibabato mo. May mga masasaktan sa mga sasabihin mo.

‘Yun ang iwasan mo.

Magalit ka sa taong nanakit sa ‘yo, nagpaasa at nang-iwan, hindi sa mga taong nandiyan sa tabi mo na handang makinig sa mga kadramahan mo. Ihagis mo palayo ang lahat ng bigat na nakadagan sa ‘yo, hindi ang mga bagay na nagbibigay ng pag-asang maging maligaya ang puso mo.

At kapag tapos ka nang magwala at magsisisigaw, mare-realize mong at the end of the day, ikaw rin ang pupulot ng mga hanger na ibinato mo, ikaw rin ang magtitiklop ng mga damit na ginulo mo, ikaw rin ang pupunas sa mga luha mo. Ikaw lang.

Ngayong matanda na ako, nito ko lang napagtanto na kahit pala mag-iiyak ako at magwala sa kwarto, may mga bagay pala talaga na kapag hindi para sa akin, kahit anong gawin ko, hindi magiging sa akin. 

And the good thing about sa pag-iyak, doon mo ibinubuhos ang mga sakit at pagkabigo na naramdaman mo. Na kapag wala ka nang maiiyak, hihinga ka na lang nang malalim at susubukang ngumiti dahil sa wakas, wala nang mabigat sa puso mo.

Ngayong may sapat na kakayahan na ako, pinupuntahan ko na ang mga lugar na iniyakan ko noong bata pa ako. Nag-ipon ako ng pera para makapag-travel sa mga lugar na pinapangarap ko. Nakakatuwa lang kasi totoo pala ‘yung after ng pagluha mo, may ligayang mangyayari sa buhay mo at tanging ikaw lang ang makakapagsabi sa sarili mong, that’s it! Kailangan ko nang bumangon at simulang mahalin ang sarili. Pinipili ko na ang maging masaya. Wala nang kalungkutan. Wala nang luha. Wala nang bitterness.

Share this post

Leave a Reply