sanay na sa “sana”

Araw-araw mong ipinagdarasal ang love life mo sa Diyos, kahit nga bago kumain, naisisingit mo pa ang mga linyang ‘Sana, Lord, makilala ko na ‘yung someone na para sa akin. Ibigay N’yo na po.’ Kapag nasa simbahan ka naman, bibili ka ng limang kandila para ipagdasal ang limang mahahalagang tao at bagay sa buhay mo, pamilya, kaibigan, kalusugan, career at hinding-hindi mawawala ang special candle na tanging siya lang ang nasa isip mo — ang hinihiling mong someone kay Lord.

Kapag may nakilala ka namang iba, bigla kang titingin sa langit at tatanungin kung siya na ba. At sa tanong na iyon, kasabay ng pag-agos ng pag-asa sa puso mo, aasa kang ‘yon na ang hinihintay mong pagkakataon. Siya na ang inaabangan mong kasagutan sa lahat ng dasal mo.

Makikilala mo siya. Makikilala ka niya. At darating ang panahong magiging magkaibigan kayong dalawa. Ang dating tanong kung siya na ba ay unti-unti nang mapapalitan ng paghiling mo na sana siya na nga. Sana.

Magse-settle ka sa ideyang nahanap mo na si Someone.  Magiging palagay ang loob mo na sa wakas, dumating na siya sa buhay mo.

Dito ka na aasa sa mga sana.

Ibibigay mo ang lahat – ang oras, puso at pag-asa mo sa taong ‘yon. Siya na ang dahilan kung bakit ka laging masaya. Siya na ang sagot sa mga sana mo. Sana hindi na matapos pa ang saya. Sana hindi lang ito panandalian. Sana siya na talaga hanggang sa dulo. Sana.

Marcelo Santos III

Dito ka na aasa sa kanya.

Sa panahong magkasama kayo, itinuring mo siyang mundo mo. Gusto mo siyang laging masaya. Gusto mo siyang laging kasama. Hindi kumpleto ang araw mo nang hindi siya nakikita o nakakausap man lang. Kumbaga, parte na siya ng buhay mo. Mamahalin mo siya tulad ng pagmamahal niya sa ‘yo; minsan nga ay sobra pa.

Pero habang tumatagal, parang may iba ka nang nararamdaman. Ang dating mga sana mo ay naging dapat. Dapat ganito siya. Dapat ganyan ang nararamdaman mo. Dapat ikaw lang. Dapat kayo lang dalawa. Ang pangako ng pagmamahalan ay tila ba’y parang nagiging utos na o requirement niya para maging masaya kayo. Napupuno na ng batas ang relasyon ninyo.

Dito na magsisimula ang luha.

Siya ang dahilan kung bakit ka masaya pero ngayon, siya na rin ang dahilan kung bakit ka naluluha. Napakaraming nangyari – pagkabigo, mga pangakong napako, pagkawala ng tiwala, pagbabago ng nararamdaman, pero mahal ninyo pa rin ang isa’t-isa at sa kaibuturan ng puso ninyo ay alam ninyong may pag-asa pa pero huli na ang lahat. Pareho na kayong pagod.

Marami nang pagkakataong nasayang. Napakarami nang mga sanang nawalan ng saysay. At sa pagkakataong ito, isang sana na lang ang hinihiling mong mangyari. Sana makalimutan mo na siya kasama ng sakit na iyong nadarama.

Marcelo Santos III

Dito ka na ulit aasa sa Kanya.

Titingin ka na naman sa langit at magdarasal na sana’y makalimutan mo na ang sakit. Pupunta ka na sa simbahan na ang tanging sisindiha’y apat na kandila – para sa pamilya, kaibigan, kalusugan at career. Kakausapin mo ang Diyos at sisimulang magtanong ng mga bakit. Bakit mo nakilala ang taong iyon? Bakit ka nasaktan sa kabila ng pagmamahal mo? Bakit ka nagkakaganyan?

Maraming kang sagot na nais marinig pero biglang may isang boses na lang sa utak mo ang nangibabaw sa lahat. Sagot sa mga tanong mo sa Kanya: 

Ngayong nandito ka na ulit, sana natuto ka na.

Sana natuto ka na sa mga desisyong napili mo. Sana pinakinggan mong pareho ang utak at puso mo. Sana hindi lang ang damdamin mo ang naging mahalaga, sana ‘yong sa kanya rin, sa inyong dalawa. 

At sana, sa susunod mong mamahalin, maging sagot nawa kayong dalawa sa mga sana ng puso ninyo. Wala namang forever e. Walang forever na malungkot. Walang forever na nagdurusa. Darating din ang araw na ang kandilang sisindihan mo sa simbahan ay nasa harap na ng altar… kaharap siya.

Sana.

Share this post

One response to “sanay na sa “sana””

  1. Graveh naman Kuyz! Relate ako ng Kunti☺☺

Leave a Reply